Binabantayan ng Task Force Bangon Marawi ang posibleng paglaganap ng illegal na droga sa mga evacuation centers sa lungsod.
Ayon kay Assistant Secretary Kristoffer James Purisima, spokesperson ng Task Force Bangon Marawi, nakarating kasi sa kanila ang mpormasyon na may ilang mga grupo na nais samantalahin ang pagkakataon para magsupply ng droga sa mga refugee center.
Sa ngayon ay wala pa naman aniya silang namonitor na problema sa illegal na droga sa hanay ng mga internally displaced persons sa Marawi pero batid nila na dapat matutukan ito.
Dahil dito, nakaalerto na ang peace and order sub-committee ng naturang task force sa posibleng paglaganap ng kontrabando sa mga evacuation centers.
Tiniyak naman ng opisyal na oras na may makumpirma silang kaso nito ay agad nila itong ipapalaam sa mga pulis at militar nang sa gayon ay maagang masawata at huwag ng kumalat pa sa ibang area.