Mga motorista maagang naperwisyo ng traffic sa C5 dahil sa asphalt laying ng DPWH
Naipit sa ilang oras na traffic ang mga motorista sa kahabaan ng C5 southbound.
Ito ay makaraang isara ang southbound ng flyover ng Bagong Ilog dahil sa inaspaltohang kalsada.
Pasado alas sais na ng umaga nang maglabas ng abiso ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga motorista na mayroong asphalt laying ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Bagong Ilog flyover at pinaiiwasan sa mga motorista ang lugar.
Gayunman, marami nang motorista ang nasa kahabaan na ng C5 ng mga oras na iyon at naipit na sa traffic.
Ayon sa mga naapektuhang motorista na naghayag ng kanilang pagkadismaya sa twitter ng MMDA, alas 4:30 pa lamang ng umaga ay halos parking lot na ang C5 southbound mula pa lamang sa tapat ng Tiendesitas.
Masyado na anilang late ang abiso ng MMDA na humanap ng ibang ruta ang mga motorista dahil wala nang galawan ang mga sasakyan sa C5 bago pa nila malaman ang abiso.
Nagtataka din ang ilang netizens kung bakit Biyernes ginawa ng DPWH ang pag-aaspalto at kung bakit hindi natapos sa magdamag at inabot pa ng umaga.
Dahil sa nasabing proyekto ng DPWH, umabot sa Katipunan ang tail-end ng traffic ng mga sasakyang galing sa Quezon City area, habang umabot naman sa Marcos Hiway ang traffic para sa mga galing ng Marikina at Antipolo area.
Bago mag alas 7:00 ng umaga ay binuksan na ang flyover ng Bagong Ilog pero matindi na ang build up ng mga sasakyan lalo pa at marami na ang nasa biyahe ng ganoong oras.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.