5 taon na po ang Radyo Inquirer

By Arlyn Dela Cruz September 09, 2015 - 10:25 AM

balanSa karaniwang sukatan, paslit at nasa kanya pang kamusmusan ang limang taon.

Ngunit sa mga hindi pangkaraniwang pagbabagong nagaganap sa Radyo Inquirer 990 , masasabing ang musmos at paslit na ito ay kitang-kita ngayon pa lamang ang maaliwalas na kinabukasang naghihintay.

Kung bakit ay hayaan ninyong ilatag ko.

Sa kanyang ika-5 taon, ang Radyo Inquirer ay nagpasyang harapin ang hamon ng pagbabago.

At ang pasyang yan ay niyakap at inangkin ng mga namumuno at mga kawani ng istasyon.

Nitong huling bahagi ng Mayo taong kasalukuyan ay itinalaga ni G. Paolo R. Prieto ang beteranong mamamahayag at brodkaster na si Jake Maderazo bilang Station Manager at Sales Director ng Radyo Inquirer.

Buo ang tiwala at naroon ang buong suporta, iyon ang naging pundasyon ng mga pagbabagong nagaganap ngayon sa Radyo Inquirer. Malinaw ang pananaw at adhikain para sa istasyon ni Ginoong Prieto o PRP kung tawagin para sa dapat na kalagyan ng istasyon sa simula pa lamang.

Ang kailangan lamang ay ang mga makakatulong niya para ganap itong maisakatuparan.

Wala nang dapat na patunayan pa sa industriya ng brodkasting at pamamahayag si Jake. Banggitin ninyo ang pinakamalalakas at pinakamatagumpay na mga news ad current affairs show sa ABS-CBN, pangalan niya ang nakakabit doon bilang taga-likha at executive producer. Ibang kuwento pa ang kanyang mga nagawa bilang Assistant Vice President for News and Current Affairs. Sa dami ng nagawa na niya, nag-retiro na nga.

Ang pag-upo sa programang Banner Story ng Radyo Inquirer tuwing umaga at pagsusulat ng column para sa Bandera ay sapat na para sa kanya para lamang manatiling aktibo sa mundo ng pamamahayag.

Ngunit, kumatok ang isang hamon, binuksan ang pinto at ito’y kanyang pinatuloy.

Sa loob ng higit sa dalawang buwan, nagbago ang programming ng Radyo Inquirer na naka-angkla sa direksiyon na maging isa itong ganap na multi-platform digital news organization na ang layunin ay maging daluyan ng lalo pang ikalalakas ng Inquirer Group sa kabuuan.

Nakatulong ang malawak na karanasan at kuneksiyon ni Jake para igiya ang istasyon sa patuloy na hamon ng tinatawag na “age of distribution” na kinakitaan ng wala ng paglipat ng tradisyunal na media, radio, television at print sa digital platform na malaking bahagi ang social media presence. Idagdag pa dito ang hamon ng isang “consolidated and programming advertising” na malaki ang maitutulong sa pagtataguyod ng mga programa ng anumang media platform lalung-lalo na ang radyo.

Sa dami ng mga nahawakang highly rated programs sa dating istasyon na ABS-CBN, nakita ni Jake ang pagbabago sa uri ng pakikinig at panonood ng publiko. Alam niya na ang henerasyon ngayon ay kabilang na sa tinatawag na “era of purposeful viewing and listening”. Ang nanonood, ang nakikinig, o ang consumer ang nagpapasya kung ano ang kanyang papanoorin o pakikinggan, kung ano ang kanyang pananatilihin sa kanyang tahanan o ano ang itataboy niya sa kanyang tahanan sa pamamagitan ng balita, impormasyon at mga palatuntunan.

Armado ng tiwala at suporta, hawak ng tamang namumuno, ang Radyo Inquirer ngayon ay niyuyugyog ng mga makabuluhan at mga kinakailangang pagbabago. Mula sa isang non-rating na istasyon, nasa agresibong posisyon ngayon ang Radyo Inquirer sa multi-platform digital/mobile operation. Sa mga susunod na buwan, ang Radyo Inquirer ay papasok na sa panibagong yugto ng ganap na digital streaming at yung tinatawag na demand, cable distribution mobile.

20-oras na ang programming ng Radyo Inquirer, Lunes hanggang Linggo mula alas 4 ng umaga hanggang alas dose ng hatinggabi na may limang pangunahing newscasts tuwing alas-4, alas-7, alas-12, alas-5 at alas 10 ng gabi araw-araw. Nais mo ng tumpak, maaasahan at kumpletong pagbabalita, Radyo Inquirer ang inyong dapat na makasama.

May website na rin ang Radyo Inquirer at ito ay ang radyo.inquirer.com na makikita rin sa main website ng inquirer.net. I-click lamang ang salitang radio sa taas na bahagi ng pahina sa inyong screens ay mapupunta na kayo sa website ng radyo. Sa radyo.inquirer.net, makikita rin ang live streaming ng mga programa mula umaga hanggang hatinggabi. Ibig sabihin, ang Radyo Inquirer ngayon, hindi lamang napapakinggan, napapanood, nababasa na rin. Yung punto ng panonood, lalawig pa ito dahil nga sa pagsampa na sa full digital, mobile at partnership sa mga cable companies hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa na maraming Pilipino at saan ngang bansa, walang Pilipino? Hindi ba’t sa lahat yata ng sulok ng daigdig ay naroon tayo? Ganoon kalawak ang serbisyong sinisipat ng Radyo Inquirer sa hinaharap.

Ang mga reporters ng Radyo Inquirer na sina Jan Escosio, Alvin Barcelona, Jong Manlapaz, Chona Yu, Ruel Perez, Isa Avendano-Umali, Erwin Aguilon at Ricky Brosas ay may apat na mikroponong tangan sa bawat paglabas nila para mangalap ng balita. Nagbabalita sa himpapawid, nagsusulat para sa website, kumukuha ng larawan para sa website at inuunawa ang mga balita at isyu sa kabuuan nito para sa kanilang pag-upo sa kani-kanilang mga programa. Oo, ang mga reporters ng Radyo Inquirer ay mga anchors na rin ng kani-kanilang programa. Ang talento ay nasa loob na. Kailangan na lang na sila ay linangin, pagyamanin at ipagkaloob ang ganap na tiwala sa kanilang magagawa at malasakit sa istasyon atas ng kanilang propesyon bilang mga mamamahayag.

Bawat isa sa news team ay hindi lamang humahawak ng iisang gawain, multi-platform operation sa araw-araw kaya’t ito ang palagiang ginagawa ng mga Desk Supervisors na sina Den Macaranas, Donabelle Dominguez-Cargullo at Jay Dones na suportado naman ng mga manunulat na sina Jimmy Tamayo, Len Montaño, Jen Crus-Pastrana, Stanley Gajete at Kathleen Betina Aenlle. Hindi rin matatawaran ang bahagi sa produksiyon nina Mary Rose Cabrales at Mariel Cruz.

Oo nga pala, sa kahabaan ng EDSA ay makikita ngayon ang mga tarpaulin ng Radyo Inquirer na kinatatampukan ng mga pangunahing anchors ng istasyon na kasama sa pagbabalita at komentaryo araw-araw na ang malinaw na mensahe ay isang pagbabago na nakasanding sa Balanseng Pagbabalita at Walang Takot na Pamamahayag. Makikita ang mga tarpaulin posters na ito sa Farmers, Olveros-Balintawak, POEA Bldg., Trinoma, San Bernardo Park sa Cubao, Forbes,Buendia, Ayala at Magallanes .

Sa pakikipagtulungan ng HDI Admix, inilunsad din ng Radyo Inquirer ang “Balita sa Kalsada” sa tatlong LED screen sa EDSA sa bahagi ng Camp Aguinaldo. Puwedeng sabihin na dahil sa presensiyang ito ay kinopo namin ang EDSA.

Susunod na ang kahalintulad na news service sa iba pang lugar na may malalaking LED screen tulad sa NAIA, Greenhills, Bonifacio Global City at Masinag sa Antipolo Rizal.

Ang lahat ng mga pagbabagong ito nangyari sa ika-limang taon, sa nakalipas na higit sa dalawang buwan ng pagpasok ng bagong pamumuno na nagtakda ng tiyak at bagong yugto ng paglalakbay sa kasaysayan ng Radyo Inquirer.

Isang malugod na karanasan at pagkakataon ang maging bahagi ng mga pagbabagong nagaganap sa Radyo Inquirer. Oo nga pala, atas ng tiwala, ako po ang News Director ng istasyon. Maliit na bagay lalo’t bawat isa ay buong-galing at buong-pusong nagtatalaga sa kanilang tungkulin. Ang anumang hakbang para maging matagumpay ay laging nasa kabuuan.

Sa panimula sinabi ko, ang limang taon ay kamusmusan pa rin, paslit na maituturing. Ngunit kung sa yugto pa lamang na ito, batid mo na ang dapat mong gawin at tahakin, ang pinagsama-samang karanasan, kakayanan at kalinga sa tungkulin bilang daluyan ng impormasyon, balita at talakayan ang magbibigay ng malinaw na puwersa sa bawat hakbang sa hinaharap.

Wala namang katiyakan ang hinaharap. Ang alam lang namin ngayon, sa ika-limang taon ng Radyo Inquirer, ang aming sama-samang paglalakbay ay may tiyak na patutunguhan.

Sa lahat ng tumatangkilik sa Radyo Inquirer, kasama po kayo sa paglalakbay na ito. Kayo ang bayang nagtatanong, kayo ang mamamayang nag-uusisa.

TAGS: Radyo Inquirer, Radyo Inquirer

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.