Mula nang umpisahan ang war on drugs, 85 pulis na ang namatay ayon sa PNP
Umabot na sa 85 pulis ang nasasawi mula nang simulan ang war on drugs sa ilalim ng Duterte administration.
Ayon kay Chief Supt. Dionardo Carlos, spokesperson ng Philippine National Police (PNP), maliban sa 85 na nasawi sa kasagsagan ng pagsasagawa ng operasyon, nasa 204 pa ang malubhang nasugatan.
Dagdag pa ni Carlos, ang mga drug suspects na nasasawi sa mga operasyon ay dahil sila ay pawang mga nanlaban.
Dumedepensa lamang aniya ang mga pulis tuwing may manlalabang suspek.
Ani Carlos nagsasagawa naman ng imbestigasyon ang Internal Affairs Services (IAS) sa mga kaso ng pagkasawi ng mga ‘nanlabang’ suspek.
Ginawa ni Carlos ang pahayag bilang reaksyon sa resulta ng survey ng Social Weather Station (SWS) kung saan lumitaw na 54 percent ng mga respondent ay naniniwala na “marami sa mga pinatay ng mga pulis sa kampanya laban sa ilegal na droga ay hindi totoong nanlaban.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.