Lucio Tan, binantaan ni Duterte na ipapasara ang NAIA 2 kung hindi magbabayad ng utang
Binalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang business tycoon, chairman at chief executive officer ng Philippine Airlines (PAL) na si Lucio Tan, na ipasasara niya ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2.
Ito ay kung hindi babayaran ni Tan ang kaniyang mga utang sa gobyerno sa loob ng sampung araw.
Sa isang talumpati, inalala ni Duterte kung paano niya tinanggihan ang mga negosyante na pondohan ang kaniyang kampanya at kabilang sa mga ito si Tan.
Ayon sa pangulo, bagaman pinasalamatan niya, tinanggihan niya ang alok ni Tan na maging isa sa kaniyang mga campaign contributors.
Giit ni Duterte, dapat ay bayaran muna ni Tan ang kaniyang mga utang sa runway, lalo’t ginagamit nito ang mga gusali at paliparan ng pamahalaan.
Hamon niya sa negosyante, solusyunan ang kaniyang sariling problema at bayaran ang kaniyang mga utang sa loob ng 10 araw, kundi ay sasarhan niya ito ng paliparan.
Hindi naman na nagbigay si Duterte ng detalye tungkol sa mga umano’y utang ni Tan, pero iginiit niyang wala siyang magagawa dahil dapat lang na ipatupad ang batas.
Sa isang pahayag na inilabas ng Department of Transportation (DOTr), nakasaad na mayroon pang aabot sa P7 bilyong halaga ng navigational fees at iba pang charges ang hindi pa nababayaran ng PAL sa gobyerno.
Ang P6.97 bilyon dito ay dapat bayaran sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) habang ang P322.11 milyon naman ay sa Manila International Airport Authority (MIAA) dapat bayaran.
Ayon pa sa DOTr, August 2016 pa lang ay nagpapadala na sila ng liham sa PAL para ipaalala ang kanilang mga utang, bilang kautusan na rin ni Transportation Sec. Arthur Tugade.
Ibinunyag pa ng kagawaran na humiling ang PAL kung maaring mapag-usapan ang posibilidad na sa loob ng 7 taon nila babayaran ang kanilang mga utang, ngunit tinanggihan nila ito.
Dahil dito, sinisingil na ng DOTR ang PAL nang buo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.