2 patay makaraang madaganan ng trak na nahulog sa tulay sa Maynila
Patay on the spot ang isang batang lalaki makaraan siyang madaganan ng nahulog na trailer truck mula sa ibabaw ng Padre Zamora Bridge sa Pandacan, Maynila.
Nakatayo sa ilalim ng interlink bridge sa kahabaan ng Claudio street ang walong taong gulang na si John Baltazar nang ito ay madaganan ng nasabing trak.
Nagtulong-tulong naman ang rescue teams ng Philippine Red Cross, Makati City, Metro Manila Development Authority at Maynila bago nahugot sa ilalim ng trak ang lolo ng nasabing batang lalaki na si Danilo Baltazar na namatay rin sa pinangyarihan ng aksidente.
Mabilis na isinugod sa Philippine General Hospital ang mga biktima kasama ang iba pang mga sugatan na sinasabing sakay ng nasabing trak kabilang na ang driver na si Reynaldo Acosta at ang pahinante na si Herman Ramos.
Sugatan rin sa insidente ang siyam na taong gulang na si Julius Clark Baltazar at isa pang bata na kinilala lamang sa pangalang Clarita.
Sa paunang report ng Western Police District, pag-aari umano ng Yang Ming Trucking ang nasabing trak na may plakang TUF 912.
Sa kasalukuyan ay inaalam pa ng mga imbestigador ang tunay na dahilan ng pagkahulog ng naturang trak sa Padre Zamora Bridge.
Napag-alaman rin na nakatira sa ilalim ng tulay ang pamilya ng maglolang biktima.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.