Dalawang preso ang nasawi matapos mawalan ng malay bunsod ng matinding siksikan sa loob ng detention cell ng Pasay City Police Station.
Kinilala ang mga nasawing sina Reynaldo Tenacio 54-taong gulang na nakulong dahil sa kasong alarm and scandal at Oscar Nuñez na ang kaso ay may kaugnayan sa illegal na droga.
Batay sa report ng Station Investigation Division Management (SIFM) Branch ng Pasay City Police, bigla na lamang nag-collapse sa loob ng kulungan ng station detention management unit si Tenacio.
Narespondehan pa ito ng rescue team mula sa Pasay City at naisugod pa sa Pasay City General Hospital ngunit idineklara ring dead on arrival.
Ilang minuto ang nakalilipas, nahimatay at nangisay din sa loob ng kulungan si Nuñez.
Dinala rin siya sa ospital ngunit binawian din ng buhay si Nuñez dahil sa heat stroke.
Ayon sa ma pulis, matinding init bunsod ng siksikan at overcrowded na bilangguan ang sanhi ng pagkamatay ng mga biktima.