Faeldon, sadyang pinigilang pumunta sa pagdinig ng ethics complaint niya vs. Lacson
Inakusahan ni dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon ang Senado ng sadyang pagpapaliban sa pagdinig sa kaniyang ethics complaint laban kay Sen. Panfilo Lacson.
Kasabay ito ng paglilinaw niya na hindi siya tumangging humarap sa pagdinig tungkol sa kaniyang reklamo, bagkus ay iginiit niyang pinigilan siyang pumunta.
Paliwanag pa ni Faeldon, limang minuto lang ang layo ng kaniyang kinaroroonan sa kung saan nagpulong ang komite.
Dahil kasi sa hindi niya pag-sulpot, na-hold “in abeyance” ang kaniyang reklamo laban kay Lacson.
Sa kaniyang pahayag, ikinwento niyang dalawang tauhan ni Lacson ang pumunta sa kaniya para pigilan siyang pumunta sa pagdinig.
Matatandaang naka-piit ngayon sa Office of the Senate Segeant-At-Arms si Faeldon matapos hindi humarap sa pagdinig ng Senado tungkol sa pagkakalusot ng P6.4 bilyong halaga ng droga sa bansa.
Inireklamo naman ni Faeldon si Lacson sa Ethics Committee dahil sa mainit na diskusyon nila tungkol din sa nasabing isyu, kung saan inakusahan siya ng senador na tumanggap ng lagay para makalusot ang kontrabando sa bansa.
Samantala, sinabi ng kampo ni Faeldon na hinihintay lang nila ang kopya nila ng resolusyon ng komite na nagpapaliban sa pagtalakay sa kaniyang reklamo bago sila gumawa ng mga legal na hakbang.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.