Minaliit lang ni Sen. Risa Hontiveros ang mga kasong isinampa laban sa kaniya ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC).
Ayon sa senadora, hindi dapat bigyan ng katiting na halaga at pansin ng publiko ang mga kasong kidnappin, obstruction of justice, at wiretapping na isinampa ni dating Negros Oriental Rep. Jing Paras laban sa kaniya sa Office of the Ombudsman.
Giit ni Hontiveros, layon lang ng hakbang na ito na alisin ang atensyon ng publiko mula sa kontrobersyal na text message ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre tungkol sa pagsasampa ng kaso laban sa kaniya.
Aniya pa, kinukumpirma lang ng mga kasong ito ang sabwatan ng dalawa sa pag-“expedite” sa pagsasampa ng mga kaso laban sa kaniya.
Kinukumpirma din aniya nito na ang “Cong. Jing” na kausap ni Aguirre sa text ay tunay ngang si dating Rep. Jacinto Paras.
Matatandaang kamakailan sa isang privilege speech, ipinakita ni Hontiveros sa Senado ang usapan nina Aguirre at ng isang “Cong Jing” sa text message na hindi sadyang nakunan ng litrato.
Nakita dito ang hinihinalang plano ng dalawa na sampahan ng kaso si Hontiveros.
Ani Hontiveros, sa kabila nito ay hindi sila magpapatinag at tuloy pa rin ang kanilang kampanya para panagutin at pagbitiwin sa pwesto si Aguirre.