Ex-US congressman na nasangkot sa ‘sexting scandal’ hinatulang makulong

 

Hinatulang makulong ng hanggang 21 buwan ng US Fedral court ang dating New York Congressman na si Anthony Weiner.

Ang 53-anyos na si Weiner ang mambabatas na nasangkot sa eskandalo noong 2016 makaraang mabunyag na nagpapadala ito ng malalaswa niyang larawan at mensahe sa isang kinse anyos na babaeng high school student mula North Carolina.

Una nang nasangkot sa ‘sexting scandal’ si Weiner noong 2011 na naging dahilan upang pagbitiwin ito sa puwesto bilang mambabatas.

Gayunman, muling naulit ang pagpapadala ng malalaswang mensahe ni Wiener sa isang kinse anyos na dalagita na nakilala nito sa social media noong Enero 2016.

Una nang naghain ng guilty plea si Weiner sa pagpapadala ng mga mensahe sa isang menor de edad.

Noong nakaraan ring taon, sa huling bahagi ng US presidential campaign, habang iniimbestigahan ng FBI ang kaso ni
Weiner, nadiskubre rin ng ahensya sa laptop ni Weiner ang palitan ng email ng asawa nito na si Huma Abedin at ng natalong US presidential aspirant Hillary Clinton.

Dahil dito, muling binuksan ng FBI ang imbestigasyon sa paggamit ng private server ni Clinton na sinasabing naging dahilan upang matalo si Clinton sa eleksyon kontra kay Donald Trump.

Napaiyak na lamang si Weiner makaraang ibaba ng US District Judge sa pagdinig sa Manhattan ang hatol laban sa kanya.

Read more...