Dinala na sa gusali ng Senado si John Paul Solano ng mga kagawad ng Manila Police District para humarap sa pagdinig.
Si Solano ay nakasuot ng kulay dilaw na MPD detainee shirt at kapansin pansin naman na walang suot na bullet proof vest pero may suot na posas ng lumabas ng MPD headquarters na tinakpan nito ng jacket.
Isinakay si Solano sa SUV service ng MPD habang may backup naman itong police car papunta ng Senado.
Mismong si MPD Supt. Rommel Anesete, hepe ng MPD Homicide Section ang nagdala kay Solano sa Senado.
Samantala, nakahanda na ang Senado sa
itinakdang pagdinig ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs ukol sa hazing at pagkamatay ng freshman UST law student na si Horacio Castillo III.
Ayon sa chairman ng komite na si Senator Panfilo “Ping” Lacson, pangunahing imbitado ang mga magulang ng biktima gayundin ang mga opisyal ng UST
Pasado alas kwatro ng hapon ay namataan na sa Senado ang pangunahing suspek na si John Paul Solano.
Dumating sa UST Faculty of Civil Law Dean Nilo Divina at iba pang mga miyembro ng Aegis Juris Fraternity.
Nauna nang sumuko si Solano kay Lacson noong Biyernes at agad syang itinurnover kay MPD Director Chief Supt. Joel Coronel.
Umaasa naman si Lacson na tutuparin ni Solano ang pangako nito na sasabihin sa pagdinig ang lahat nyang nalalaman ukol sa hazing na isinagawa ng Aegis Juris Fraternity kay Castillo na naging sanhi ng kamatayan nito.
Ayon kay Lacson, in aid of legislation ang pagdinig kaya target nitong mapagbuti at maitama ang mga kahinaan ng umiiral na anti-hazing law.