Nagdeklara na ng suspensyon sa klase ang pitong mga Barangay sa Batangas City simula ngayong araw hanggang bukas September 26.
Ito’y dahil sa nagpapatuloy na bakbakan sa pagitan ng Philippine Army at mga miyembro ng New People’s Army sa probinsya.
Ayon kay Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council Chief Lito Castro, walang pasok ang mga paaralan sa mga Barangay ng Sto. Domingo, Cumba, Talumpok Silangan, Talumpok Kanluran, Talahib Pandayan, Conde Itaas at Talahib Payapa.
Samantala, wala naman daw naitalang pagbabago sa takbo ng mga negosyo sa Batangas City proper.
Patuloy pa ring tumatanggap ng impormasyon ang Batangas PDRRMO kaugnay sa ulat na may mga inilikas na ring residente sa Batangas City mula nang pumutok ang bakbakan kahapon pa ng umaga.