Kung si Pangulong Aquino ang tatanungin, hindi pa rin nito isinusuko ang panliligaw kay Senadora Grace Poe bilang ka-tandem ni Liberal Party standard bearer Mar Roxas.
Ayon sa Pangulo, ayaw niyang maulit ang nangyari noong 1992 nagkahati-hati ang sumusuporta noon sa kanyang inang si dating pangulong Cory Aquino.
Iginiit ni Pangulo na iba pa rin kasi kung kakaunti ang dibisyon at nagkakaisa ang mga puwersa na naniniwala sa tuwid na daan at para matiyak ang pagpapatuloy ng kanyang naumpisahan.
Sa ngayon aminado si PNoy na hindi pa kinakagat ni Poe ang kanilang alok pero umaasa siya na tatanggapin ito ng senadora.
Sakali naman aniya na mag -solo si Poe at tumakbo bilang presidente ay may dalawa siyang naisip na itatambal kay Roxas.
Samantala, umaasa ang Malacañang na makakatulong si Davao City Mayor Rodrigo Duterte para ikampanya ang mga kandidato ng administrasyon sa 2016 elections.
Kasunod ito ng pag-atras ni Duterte sa Presidential race at pasya na magretiro na ng tuluyan pagkatapos ng kanyang kasalukuyang termino bilang alkalde.
Ayon kay Pangulong Aquino, bagaman hindi pa sila nagkakausap ni Duterte , naniniwala silang kaalyado nila ang mayor at sinusuportahan din nito ang kanyang kandidatura.
Ang gusto ng Pangulo ay maka-usap niya si Duterte para mapag-usapan kung paano nila matutulungan ang kampanya ng standard bearer ng Liberal na si Mar Roxas at paano mapagpapatuloy ang pag unlad ng bansa.