Mas malawak na tigil-pasada, ikikakasa ng PISTON
Maglulunsad ng sarili at mas malawakang tigil-pasada ang grupong PISTON at No to Jeepney Phase Out Coalition (NTJPOC) sa susunod na buwan.
Ito ang inihayag ng grupong PISTON kasabay ng paglilinaw na hindi sila kalahok sa dalawang araw na tigil-pasada ng Stop and Go Coalition.
Sinabi ng PISTON na wala silang natanggap na imbitasyon at walang koordinasyon sa kanila ang Stop and Go sa isinagawa nitong strike.
Ayon sa grupo, sa susunod sa Oktubre, isang malakihang pagkilos at protestang bayan ang isasagawa ng PISTON at NTJPOC sa buong bansa.
Layon anila nito na kalampagin si Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa isinusulong na modernisasyon sa mga pampasaherong jeep.
Target ng PISTON at NTJPOC na maisagawa ang tigil-pasada sa susunod na buwan hindi lang sa Metro Manila kundi maging sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.