Pagpapaliban sa barangay at SK elections, iaapela ng NAMFREL
Hihimukin ng National Citizens Movement for Free Elections (NAMFREL) ang Kongreso na huwag ituloy ang pagpapaliban sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections.
Ayon kay NAMFREL secretary general Eric Alvia, isasalang pa naman ito sa bicameral conference kaya iaapela pa nila ito upang maikonsidera ng mga mambabatas.
Kapag kasi aniya laging nauurong ang petsa ng eleksyon, kalaunan ay masasanay ang publiko nang walang nagaganap na eleksyon.
Sa eleksyon kasi aniya ay may pananagutan ang mga tao sa kung sino ang kanilang iboboto.
Desidido ang NAMFREL na ipahayag sa Kongreso ang kanilang pag-kontra, pero handa rin naman silang tanggapin kung hindi ito ikokonsidera ng mga mambabatas.
Ani Alvia, mas makabubuti lang talaga kung magkakaroon pa rin ng eleksyon.
Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado at sa Kamara ang panukalang pagpapaliban ng barangay at SK elections mula ngayong Oktubre sa Mayo 2018.
Nakatakda na itong isalang sa bicameral conference para mapagkasunduan na at maibigay na sa pangulo para tuluyang maisabatas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.