Solano, handang sabihin ang lahat ng nalalaman sa pagkamatay ni Atio Castillo ayon kay Lacson
Handa ang principal suspect sa Horacio Castillo III hazing na isiwalat sa pagdinig ng Senado ang lahat ng impormasyon tungkol sa isinagawang initiation rites ng Aegis Juris fraternity na ikinasawi ng law student.
Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, ibubunyag ni John Paul Solano ang lahat ng kanyang nalalaman tungkol sa hazing incident hindi lang sa pagdinig ng Senado, kundi maging sa Manila Police District.
Si Solano ang kinokonsiderang primary suspect sa pagkamatay ni Castillo matapos magbigay ng salungat na detalye sa mga pulis ukol sa kung paano at saan natagpuan si Atio.
Pero sinabi ni Lacson na sa ngayon ay wala pang idinidetalye na anumang impormasyon sa kanya si Solano.
Magbibigay na lang aniya si Solano ng mga detalye sa kanyang pagharap sa pormal na imbestigasyon.
Hindi pa rin sigurado si Lacson kung inihanda na ni Solano ang kanyang sinumpaang salaysay ukol sa kaso.
Bukod kay Solano, inimbitahan din sa gagawing pagdinig ng Senado alas sais ng gabi bukas ang iba pang resource person.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.