Bagaman sumuko na ang pangunahing suspek sa pagkamatay ni Horacio Castillo III na si John Paul Solano ay nananatiling nagdududa ang pamilya Castillo tungkol sa mga pahayag nito.
Ayon sa pamilya ni Atio, hindi sila kumbinsido sa mga sinasabi ni Solano dahil nagawa na nitong magsinungaling sa nauna niyang pahayag.
Anila, hanggat hindi umaaamin sa katotohanan si Solano at gumawa ito ng makatotohanang affidavit patungkol sa kanyang partisipasyon sa hazing ni Atio ay ikukunsidera pa rin nila itong principal suspect sa pagkamatay ng UST freshman law student.
Matatandaan na sa unang sinumpaang pahayag ni Solano ay sinabi nito na dinala niya sa ospital si Atio matapos nitong makita ang nakabalot na katawan ni Atio sa kalsada.
Ngunit sa imbestigasyon ay lumabas na si Solano ay isa palang miyembro ng Aegis Juris nasiyang fraternity na sinalihan ni Atio at sinasabing nagsagawa ng hazing dito.
Ayon pa kay Solano, hindi siya bahagi sa initiation rites ni Atio at tinawagan lamang ito ng kanyang mga kasamahan para tulungan sila dahil naghihingalo na ang biktima.
Nangako naman si Solano na maglalabas ito ng panibagong pahayag kung saan sasabihin na nito ang lahat ng kanyang nalalaman tungkol sa hazing ni Atio.
Samantala, ayon sa pamilya Castillo, isang improvement sa kaso ang paglutang ni Solano.