Dalawa sugatan sa pamamaril sa Tondo, Maynila
Sugatan ang dalawang katao matapos ang isang insidente ng pamamaril ng riding in tandem sa may riles ng tren sa Daang Bakal sa Tondo, Maynila.
Kinilala ang isa sa mga biktima na si Consolacion Mariano, limamput pitong taong gulang, habang isang menor de edad na binatilyo naman na hindi na pinangalanan pa ang isa pang biktima.
Pawang tama ng bala sa binti ang natamo ng dalawa.
Sa pagsasalaysay ng mga kamag-anak ng labing anim na taong binatilyo, nakatayo lamang ito sa gilid ng riles ng tren nang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang riding in tandem.
Sinasabing pinrotektahan ni Mariano ang binatilyo, kaya nasugatan din ito sa insidente.
Dinala si Mariano sa Tondo General Hospital, habang sa Jose Reyes Memorial Medical Center isinugod ang binatilyo.
Ayon kay PO1 Tim Gonzales ng Manila Police District Station 7 sa Abad Santos, narekober ng mga otoridad ang motorsiklo na ginamit ng mga suspek.
Hinala ng kapulisan, tumakbo na lamang para tumakas ang mga salarin matapos ang insidente.
Narekober mula sa pinangyarihan ng krimen ang dalawang basyo ng kalibre cuarenta y singko na bala at tatlong basyo ng 9mm na bala.
Kasalukuyan pang inaalam ng mga otoridad ang motibo ng krimen at ang pagkakakilanlan ng mga suspek.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.