Hinamon ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo ang mga abogadong mambabatas na tiyaking naipatutupad ng maayos ang anti-hazing law.
Sa kanyang pagbisita sa lamay ng napatay sa hazing na si Horacio “Atio” Castillo III, sinabi ng kalihim na dapat nang matigil ang hazing para sa mga gustong sumali sa isang fraternity.
Aminado si Panelo na dumaan rin siya sa kahalintulad na initiation noong siya ay pumasok sa law school at hindi lahat ay sinusuwerte na sa hazing.
Totoong mahirap ang initiation pero tinitiis umano ito ng ilang mga gustong sumali sa fraternity sa ngaalan ng kapatiran ayon pa sa nasabing opisyal.
Samantala, sinabi ni House Justice Committee Chairman Reynaldo Umali na dapat managot ang pamunuan ng University of Sto. Tomas sa pagkamatay ni Castillo.
Bilang isang institusyon, sinabi ni Umali na dapat tiyakin ng unibersidad ang kaligatsan ang kanilang mga mag-aaral.
Sa susunod na linggo ay magsasagawa ng pagdinig ang kanyang komite kaugnay sa nangyari kay Castillo kasabay na rin ng pag-review sa ipinatutupad na anti-hazing law sa bansa.