Mga empleyado ng PNA na nasa likod ng mga pagkakamali sa kanilang website, nagresign na
Nagbitiw na sa kanilang mga posisyon sa Philippine News Agency ang mga emplyeado na nasa likod ng mga pagkakamali sa website ng PNA.
Matatandaang noong Mayo, humingi ng paumanhin ang PNA dahil sa paggamit nito sa litrato ng mga sundalo ng Vietnam para sa balita tungkol sa nagaganap na kaguluhan sa Marawi City.
Sa kaparehong buwan, nagkamali ang PNA sa pag-uulat na 95 miyembro ng United Nations ang nagsabi umano na hindi nila nakikita ang nagaganap na extrajudicial killings sa Pilipinas.
Habang noong Agosto naman ay nagpost ang PNA ng isang editorial mula sa Xinhua News Agency na tinawag na ‘ill-founded award’ ang naging arbitral ruling sa South China Sea.
Sinundan pa ito ng paggamit ng PNA sa logo ng DOLE Food Company para sa isang press release na inilabas ng Department of Labor and Employment.
Ayon kay Communications Secretary Martin Andanar, humingi ng palugit na isang taong suspensyon sa trabaho ang empleyado ng PNA na nag-upload ng logo ng DOLE dahil aniya, ito lamang ang kanyang unang offense.
Ngunit ayon kay Andanar, hindi pa sigurado kung mapapayagan ang kahilingan ng naturang empleyado dahil nakadepende ang ipapataw na parusa sa kanya sa magiging desisyon ng legal department at Civil Service Commision.
Dagdag pa ng kalihim, hihingi ng pondo ang Presidential Communications Operations Office para makapagsagawa sila ng ‘grassroots’ seminars kung paano masasawata ang mga fake news.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.