Taxi driver na si Tomas Bagcal, isinama ng DOJ bilang primary suspect sa pagkamatay nina Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo de Guzman
Nadagdagan ang listahan ng mga primary suspect sa pagpatay kina Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo de Guzman alyas Kulot.
Ayon kay DOJ Secretary Vitaliano Aguirre, isinama nila sa listahan ang taxi driver na hinoldap umano ng dalawa na si Tomas Bagcal.
Ani Aguirre, sinampahan ng kaso si Bagcal dahil sa biglang pagpapalit nito ng pahayag kung saan sinabi nito na kutsilyo ang ginamit ng dalawang menor de edad, taliwas sa nauna nitong sinabi na may dala umanong baril si Arnaiz.
Nagsimulang magbago ang mga salaysay ni Bagcal nang may isang testigong lumutang at sinabing nakita nito sina Arnaiz, Kulot, at Bagcal na kasama pa ang mga pulis mula sa Caloocan.
Sa pagkukwento ng naturang testigo, sakay ni Bagcal sa kanyang taxi si PO1 Jefrey Perez, habang magkakatabi sa likod ng sasakyan si Arnaiz at Kulot at isa pang hindi nakilalang lalaki.
Makalipas ang ilang saglit ay nakarinig umano ito ng dalawang putok ng baril at nang tingnan niya ang pinangyarihan ng insidente ay tumambad sa kanya ang isang nakabulagtang katawan. Aniya, naroon sa lugar si Bagcal at Perez, kasama ang iba pang mga pulis na nakasuot-sibilyan at mga barangay tanod.
Ayon pa sa testigo, nakahanda siyang tumulong sa imbestigasyon ngunit hinihiling nito na mabigyan muna ng proteksyon ang kanyang buhay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.