Iba’t ibang programa, inilatag sa ASEAN Meetings on Trans-Crimes
Naging makabuluhan ang apat na araw na 11th Association of Southeast Asian Nations Ministerial Meeting on Transnational Crimes o (AMMTC).
Sa pulong na dinaluhan ng mga foreign ministers mula sa rehiyon, maraming plano ang napagkasunduan kaugnay ng radikalisasyon at kriminalidad na nangyayari sa loob at labas ng mga bansa.
Isa na rito ang 900,000 dolyar na pondo para sa ASEAN Trust Fund na gagamitin sa Emergency Humanitarian and Relief Efforts sa buong rehiyon.
Ipatutupad din ang Senior Officials’ Meeting on Transnational Crimes o SOMTC Work Program na layong maisaayos ang imbestigasyon ng arms trafficking o paglusot ng mga iligal at hindi rehistradong mga armas.
Inilatag din ang mga solusyon sa mga problema sa pamimirata, terorismo, drug trafficking, iligal na droga, trafficking in persons maging ang cybercrime.
Ang 11th AMMTC ay bahagi pa rin ng chairmanship ng Pilipinas sa 31st ASEAN Summit sa Nobyembre.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.