Chinese national, itinuturong utak sa pagpapasabog sa Bangkok
Itinuro ng naarestong bombmaker ang isang Chinese national na kaniya umanong amo at utak ng pagpapasabog sa Erawan Shrine sa Bangkok noong August 17.
Ayon kay Yusufu Mieraili, ang kaniyang Chinese ‘boss’ na tinukoy lamang nito sa pangalang ‘Izan’, ay agad na umalis ng Bangkok isang araw bago ang pagsabog. “He left Thailand via Suvarnabhumi Airport on August 16” ayon kay Mieraili.
Batay sa pahayag ng arestadong suspek, anim silang sangkot sa pagpapasabog sa Erawan Shrine at paglalagay pa ng isang bomba sa Sathorn Pier.
Kabilang nga dito si Izan na sinasabing utak ng pag-atake, isang Adem Karadag, isang lalaki na naka dilaw na T-shirt, isang lalaki na naka blue na T-shirt at isa pang hindi nakilalang dayuhan.
Tinawagan umano ni Izan si Mieraili at iba pang kasabwat gamit ang chat application na WhatsApp. Si Mieraili, at iba pang mga sangkot ay hindi magkakakilala.
Si Mieraili umano ang naitalagang gumawa ng bomba at siya ring bumili ng mga materyales sa pamamagitan ng online transactions. Inatasan din siyang ilagay ang bomba sa loob ng isang backpack.
Ang nasabing backpack naman ang inilagay sa ilalim ng upuan sa Phadung Krung Kasem Canal noong August 17.
Batay sa CCTV footages na nakuha ng mga otoridad, isang lalaki na hindi pa nakikilala at nakasuot ng dilaw na T-shirt ang nakita naglagay ng backpack sa ilalim ng upuan sa shrine.
Ang nasabing bomba sa loob ng bag ang sumabog na ikinasawi ng 20 katao at ikinasugat ng mahigit 120 na iba pa.
Ang lalaki naman na nakasuot ng asul na T-shirt ay nakita na sinisipa ang isang bag na pinaniniwalaang may lamang bomba sa canal malapit sa Sathorn Pier. Sumabog din ang nasabing bomba pero wala namang nasugatan.
Maliban kay Mieraili, naaresto na rin ng mga otoridad ang isa pang suspsek na si Karadag noong August 26, at nasabat dito ang ilang bomb-making materials.
Bagaman anim lang ang sinasabi ni Mieraili na sangkot sa pagpapasabog, mayroon pang ibang naisyuhan ng warrant of arrest, kabilang ang isang Thai woman na nakilalang si Wanna Suansan at Turkish husband niya na si Emrah Davutoglu. Naisyuhan na rin ng arrest warrants sina Abdullah Rahman, at isa pang hindi pinangalanang lalakii.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.