Mga pari at estudyante tinutulan ang pagtatayo ng Sabungan sa Sta. Ana Manila

By Ruel Perez September 08, 2015 - 08:40 AM

RALLY
Kuha ni Ruel Perez

(update) Nagmartsa ang mga taong simbahan at mga estudyante para iprotesta ang anila ay nakatakdang pagtatayo ng sabungan sa Sta. Ana Maynila.

Umabot sa mahigit isang libong mga estudyante, pari, at mga taga parokya ng Sta. Ana Church para ipakita ang kanilang pagtutol sa itatayong sabungan.

Bitbit ang mga placards, kinondena ng grupo kasama ang mag estudyante ng St. Francis of Assisi at ng St. Mary’s Academy ang umano’y pagtatayo ng sabungan sa pagitan ng Trinity Hospital at ng eskwelahan ng St Francis.

Pero ayon naman kay Engr. Edwin Waje, project engineer, isang basketball court ang itatayo sa 3,000 metro kwadrado na lote na pag-aari ng nakilalang si Erlinda Tin Hay ng Homecourt Enterprises.

Kinumpirma din ni Reginald Antiojo, asawa ni Tin Hay na walang dapat na ipangamba ang mga residente at mga taong simbahan dahil hindi sila magtatayo ng sabungan sa lugar.
Nakakuha na ng barangay permit sa mula sa Brgy. 888 New Panaderos Sta. Ana, at clearance mula sa Department of Trade and Industry (DTI) para sa itatayong basketball court. Gayunman, wala pa itong building permit at business permit mula sa City Hall.

Nakatakda sanang umpisahan ang proyekto matapos ang ghost month o sa a-kinse ng Setyembre pero dahil sa protesta, nagpasya si Manila Mayor Joseph Estrada na ipahinto ang proyekto.

Ayon kay Manila City Hall Public Information Officer Bambi Purisima, nagpalabas na ng notice to stop operation ang City building official na si Engr. Armand Andres base sa utos na rin ni Estrada.

Paliwanag ni Purisima, puro tsismis lamang umano ang usapin dahil unang una wala naman umanong ipinalabas na building permit pabor sa Homecourt Enterprises na nakapangalan kay Erlinda Tin Hay na magtatayo umano ng isang basketball court sa lugar.

Mahigpit umanong ipinagbabawal ang pagtatayo ng sabungan o anumang uri ng sugalan lalo na sa itinuturing na heritage zone sa Sta Ana.

TAGS: rally at sta ana manila, rally at sta ana manila

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.