Pulang sasakyan na ginamit sa pagdala kay Horacio Castillo III sa ospital, nakuhanan sa CCTV

Kuha ni Cyrille Cupino

Nakuhanan sa CCTV footages na mula sa dalawang barangay sa Maynila ang sasakyang ginamit sa pagdala sa hazing victim na si Horacio Castillo III sa Chinese General Hospital (CGH).

Batay sa CCTV footage mula sa Barangay 493 sa Maynila, makikita ang isang pulang Mitsubishi Strada na dumaan sa kahabaan ng Dimasalang Street at lumiko sa Blumentritt Street bandang 8:56 ng umaga ng Linggo.

Isa pang CCTV footage na mula naman sa Barangay 372 ang nagpapakita na pumasok ang naturang sasakyan sa CGH bandang 8:57 AM.

Sa naturang video makikita din si John Paul Solano, sakay ng isang motorsiklo, na sumusunod sa likod ng sasakyan.

Batay naman sa impormasyon mula sa Land Transportation Office (LTO), napag-alaman na ang plate number ng naturang sasakyan ay naka-rehistro kay Antonio Trangia, na pinaniniwalaang tatay ni Ralph Trangia.

Si Ralph Trangia ay isa umanong opisyal ng Aegis Juris Fraternity.

Una nang pinangalanan ng Manila Police District bilang mga suspek ang mag-amang Trangia sa pagkamatay ni Castillo.

 

 

 

Read more...