Bagong likhang grupo na tatapat sa Maute, kinukumpirma pa ng AFP
Patuloy pa ang ginagawang beripikasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa umano ayu bagong grupo na umusbong sa Mindanao.
Ayon kay AFP Public Affairs Chief Col. Edgard Arevalo, kinukumpirma pa nila ang pagkakabuo ng ng Maranao Victims Movement – ang grupo na sinasabing pantapat sa mga teroristang Maute.
Paliwanag ni Arevalo, titignan nila kung may mga kinakatawan nga ba ang naturang grupo dahil posible anyang pakana lang ito ng mga tao na gustong guluhin ang peace restoration sa Marawi.
Kasama rin sa inaalam pa ng AFP kung may koneksyon din ba ang MVM sa mga Maute, Abu Sayyaf at iba pang terror group.
Matatandaang, kamakailan ay lumutang ang isang video sa internet ang armadong grupo na nagpakilalang sila ay mga armadong Maranao evacuees mula Marawi City.
Sa 14 na minutong video, sinabi ng bagong grupo na ang pag-usbong nila ay para ipagplaban ang karapatan ng Bangsa Maranaw na napapabayaan na dahil sa umiiral na bakbakan.
Tutol umano sila sa paggamit ng Marawi City bilang sanctuary ng Maute group na syang nagpasiklab ng digmaan at nagdulot ng pagdurusa ng mga Maranaw.
Panawagan din ng bagong tatag na grupo na hayaang makabalik ang mga sibilyan na ang mga tahanan ay naideklara nang ‘cleared’ na ng militar, ihinto ang aerial bombing at pang-aabuso ng mga police at military personnel sa checkpoints lalong-lalo na sa mga kababaihan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.