Limitasyon sa espasyo sa Luneta, hindi iindahin ng Movement Against Tyranny

By Kabie Aenlle September 21, 2017 - 02:14 AM

 

Mula sa FB

Hindi magpapatinag sa maliit na espasyo ang protestang ikinasa para kundenahin ang umano’y “tyranny and extrajudicial killings” sa bansa.

Ito’y matapos bigyan ng National Parks Development Committee (NPDC) ang Movement Against Tyranny (MAT) ng limitadong lugar para sa kanilang protesta mamaya.

Sa kanilang pahayag, sinabi ng MAT na “all systems go” na ang kanilang protesta sa Luneta, sa Burnham Green, alas-4:00 ng hapon.

Gayunman, binatikos ng grupo ang mga opisyal ng NPDC matapos umanong subukang limitahan ang kanilang espasyo para sa inaasahang malakihang protesta.

Ayon sa kanila, hindi sapat ang espasyong inilaan sa kanila ng NPDC sa Lapu-Lapu monument sa Luneta para maisagawa nang ligtas ang protesta na inaasahan anilang dadaluhan ng libu-libong katao.

Ipinunto pa ng grupo ang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na lahat ng parke ay bukas para sa mga mapayapang protesta para sa araw na ito na idineklarang “National Day of Protest.”

Pero anila, hindi tumatalima dito ang NPDC dahil kahit maaga silang nasabihan tungkol sa rally, inilaan pa rin anila ng ahensya ang Burnham Green sa event ng Lions Club na dadaluhan lamang ng 2,000 katao, gayong 100,000 katao ang kapasidad nito.

Sa kabila nito, nanindigan ang organizers ng MAT na hindi mapipigilan ng limitasyon sa espasyo ang kanilang pagtitipon.

Sinabi naman ng Lions Club sa mga miyembro ng MAT na handa silang sumunod sa kung anumang magiging desisyon ng NPDC.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.