Nilinaw ng Malakanyang na walang opisyal na designation si Secretary to the Cabinet Jose Rene Almendras bilang Traffic Czar.
Gayunman, inamin ni Presidential Communications Sec. Sonny Coloma na inutusan ni Pangulong Benigno Aquino III si Almendras para i-coordinate ang lahat ng polisiya ng gabinete sa pagresolba sa problema sa traffic sa Metro Manila.
Paglilinaw pa ni Coloma, walang pinagkaiba ito sa kautusan dati ng Pangulong Aquino, kay Almendras na pagresolba sa suliranin ng port congestion sa bansa.
Una rito ipinag-utos ng Pangulong Aquino ang pagpapatupad ng istratehiya ng lahat ng kaukulang ahensya ng gobyerno para mapaluwag ang matinding lagay ng trapiko sa kamaynilaan kabilang ang mas malawak na pakiiisa ng publiko.
Kabilang sa binuong inter-agency team para solusyonan ang traffic sa Metro Manila ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Philippine National Police (PNP), Department of Interior and Local Government (DILG), local government units (LGUs), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Transportation and Communication (DOTC) at ang Department of Trade and Industry (DTI).