Task Force Ebola, binuhay ng pamahalaan
Binuhay ng pamahalaan ang task force ebola para tutukan ang kaso ng ebola virus na natuklasan sa bansa.
Ayon kay Presidential Communications Sec. Sonny Coloma, binuo na ang task force noong 2011 nang magkaroon sa bansa ng ebola virus.
Pinawi naman ng Department of Health (DOH) ang pangamba ng publiko dahil ibang uri umano ang Ebola Reston Virus (ERV) na nakita sa Pilipinas kumpara sa kumalat sa South Africa. Hindi umano ito nakapagdudulot ng sakit sa tao.
Sa nasabing task force magtutulong-tulong ang DOH, Department of Agriculture (DA) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) para maiwasan ang tinatawag na ‘zoonotic diseases’ kung saan maaring mailipat mula sa mga hayop ang sakit patungo sa tao.
Una nang kinumpirma ng DOH na nagpositibo sa Ebola Reston Virus ang ilang unggoy sa isang hindi tinukoy na lugar sa bansa.
Tiniyak naman ni Health Sec. Janette Garin na nasugpo na ang virus na tumama sa mga unggoy sa isang pasilidad.
Isinailalim din sa laboratory test ang kinuhang blood sample mula sa 25 staff member ng pasilidad at lahat naman sila ay nag-negatibo sa Ebola.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.