Lalaking nanggulo sa MPD Headquaters nahuli na

Video grab: Radyo Inquirer

Nasa kustodiya na ng General Assignment Section ng Manila Police District si Arvin Tan, ang lalaking nagwala at nagtangkang managasa ng mga miyembro ng pulisya at media sa MPD Headquaters sa Maynila.

Naaresto ang suspek sa kanyang bahay sa New Manila sa Quezon City.

Sa nasabing bahay ay nakita ang kanyang gamit na kulay itim na Toyota Camry na may plakang ACA 3829.

Wasak ang unahang bahagi ng nasabing sasakyan, sabog ang ilang mga gulong at may tama ng mga bala makaraang barilin ng operatiba ng MPD.

Sinabi ni Supt Erwin Margarejo, Spokesman ng MPD na may nakuha ring droga sa bahay ni Tan nang ito ay lusubin ng mga tauhan ng PNP.

Inamin naman ng mga magulang ng suspek na umiinom siya ng isang uri ng gamot bilang pampakalma.

Sa inisyal na imbestigasyo ng MPD, una umanong nasita sa isang checkpoint sa Sta. Mesa Manila ang suspek makaraang manggulo sa isang establishimento doon.

Makaraang tumakas sa checkpoint ay dumiretso ito sa MPD Headquarters kung saan siya nanggulo habang iniinterview ng mga mediamen ang isang Uber driver na may kaugnay sa pagkamatay ng UST law student na si Horacio Castillo III.

Nahaharap sa patung-patong na reklamo ang suspek dahil sa kanyang ginawang panggulo.

Read more...