Isang NPA leader, naaresto sa Marikina City
Naaresto ang isang top ranking leader ng New People’s Army (NPA) sa isang joint law enforcement operation sa Marikina City.
Sa pinagsanib na puwersa ng military at pulisya, nahuli ang NPA leader na si Rene Nuyda Jr., na mas kilala sa tawag na John dela Cruz, at Ka Red at itinuturing na regional secretary ng Bicol Regional Party Committee ng NPA.
Sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Judge Rolando de Lemios Bobis ng Regional Trial Court Branch 64, ng Labo, Camarines Norte, sinugod sa kanyang tinutuluyang bahay si Nuyda, at nakorner ng pwersa ng CIDG-NCR, Marikina Police at Army.
Nakuha sa kanyang bahay sa 56, Paradise St., Barangay Malanday, Marikina City ang isang caliber .45 pistol, magazine ng caliber .45 pistol, pitong piraso ng bala ng caliber .45 pistol at dalawang fragmentation grenades.
Natagpuan rin sa kanya ang 13 laptops computers, 21 cellular phones, limang USB broadbands, anim na USB flash drives, 32 SIM cards, limang tablets, 16 memory cards, dalawang PDAs at P79,000 na cash.
Nahaharap ngayon sa kasong double frustrated murder si Nuyda, bagamat may inilaang piyansa ang korte na nagkakahalagang P200,000.
Sasampahan din si Nuyda ng paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at RA 9516 (Laws on Explosives).
Noong July 14, 2008, sangkot umano si Nuyda sa pananambang ng mga sundalo sa Sitio Nalisbitan, Barangay Dumagmang, Labo, Camarines Norte, kung saan nasugatan sina Pfc Michael Luzon at Pfc Roel Barnigo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.