WATCH: Lalaki, nag-amok at nanagasa ng mga miyembro ng media sa MPD headquarters

Kuha ni Cyrille Cupino

Nag-amok at nanagasa ng mga miyembro ng media at mga pulis ang isang lalaki sa loob mismo ng headquarters ng Manila Police District.

Biglang dumating sa opisina ng Homicide Division ang lalaki at walang pahintulot na kinunan ng video ang mga reporter na nag-iinterview sa Uber driver na nag-deliver ng gamit ng hazing victim na sa Horacio Castillo III.

Nang tanungin ang lalaki kung sino siya at kung ano ang pakay nito sa opisina, nagpakilala itong si Arvin Tan, at bigla na lang hinamon nito ang mga taga-media na ilabas ang kanilang mga ID.

Nang ipakita ng reporter mula sa isang network ang kanyang ID, sinabi pa ng lalaki na peke ang mga ito.

Dahil sa sensitibo ang iniinterview ng mga media, at hinala na posibleng may kinalaman ang lalaki sa kaso ni Castillo, sinundan ito ng mga pulis paglabas ng headquarters.

Nakita ito sa loob ng kanyang sasakyan, at hiningian ng mga pulis ng ID, pero nagmatigas ito at nanakot na may tatawagan na mga kilalang personalidad.

Tumagal ng ilang minuto ang pakiusapan na ilabas ang kanyang ID, pero sa halip na sumunod na lang, nagsindi pa ng sigarilyo at tumangging makipagtulungan sa mga pulis.

Nang ihagis na ni Tan ang kanyang sigarilyo, dito na siya sinunggaban ng mga pulis upang arestuhin.

Sa halip na sumama, dito na pinaharurot ni Tan ang kanyang itim na Toyota Camry na may plakang ACA-3829.

Tinamaan ni Tan ang ilang miyembro ng media, at inatrasan rin nito ang mga naka-park na motor at binangga ang nakasarang gate ng headquarters.

Dito na napilitan ang mga pulis na paputukan ito, ngunit humarurot pa rin ang driver.

Nagkaroon pa ng habulan, kasama ang mga police mobile at mga crew cab, pinaputukan muli ang sasakyan at tinamaan ang gulong sa bahagi ng Osmeña Highway.

Pero nakatakas pa rin ang suspek at dumiretso sa bahagi ng Kalentong.

Mahaharap si Tan sa patong-patong na kaso tulad ng malicious mischief, damage to property, unjust vexation, resisting arrest, at iba pa.

Nagkasa na ng hot pursuit operation ang Manila Police District at NCRPO upang mahuli ang suspek.

Narito ang ulat ni Cyrille Cupino:

 

 

 

 

 

 

Read more...