Patay sa lindol sa Mexico, umabot na sa mahigit 100
(UPDATE) Umabot na 138 ang bilang ng mga nasawi sa magnitude 7.1 na lindol tumama sa Mexico
Ayon kay Mexico President Enrique Pena Nieto, nakapagtala din sila ng hindi bababa sa 40 gusali na gumuho bunsod ng malakas na lindol.
Una nang sinabi ni Morelos state Governor Graco Ramirez na sa kanilang lugar, nakapagtala ng 54 na patay.
Habang 30 naman ang nasawi sa Mexico City ayon kay Mayor Miguel Angel Mancera.
Sa Puebla, 26 naman ang kumpirmadong nasawi.
Patuloy pa ang isinasagawang rescue operations ng mga otoridad para mailigtas ang iba pang naipit sa mga bumagsak na gusali.
Ilang oras bago tumama ang lindol, nagkaroon pa ng seremonya sa Mexico para gunitain ang magnitude 8.0 na lindol na tumama sa kanila noong 1985.
Samantala, wala pang Pinoy na napaulat na nasugatan sa nasabing lindol.
Ayon kay Philippine Ambassador to Mexico Eduardo Jose De Vega, sa ngayon wala pa silang nakukuhang ulat na mayroong Pinoy na nasaktan sa magnitude 7.1 na lindol.
Limitado aniya ang pagkalap nila ng impormasyon dahil walang kuryente sa Mexico.
Patuloy aniyang makikipag-ugnayan ang embahada sa Filipino Community para malaman kung mayroong naapektuhang Pinoy.
Ikinuwento ni De Vega na bago nangyari ang lindol, nagsagawa pa ng earthquake drill ang mga otoridad bilang paggunita sa malakas na lindol na tumama noong 1985.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.