Lalaking nasa drugs watchlist, tinambangan, patay sa Pasay City

Patay ang isang lalaking nasa drugs watchlist ng barangay matapos tambangan sa Vergel St., Brgy. 113, Zone 14, Pasay City.

Nakatambay lamang sa tapat ng kanyang bahay ang biktima na si Leionel Gonzales, 36 anyos, nang tambangan ng hindi pa nakikilalang mga suspek.

Nagtamo ng iba’t ibang tama sa ulo at katawan ang biktima na dahilan ng agaran nitong pagkamatay.

Ayon sa mga saksi na tumanggi nang magpakilala, apat na lalaki na sakay ng dalawang motorsiklo ang malapitang bumaril sa biktima.

Ayon naman kay Brgy. Chairwoman Irma Sunlayan, kasama sa kanilang drugs watchlist ang biktima at dati na ring sumuko sa Oplan Tokhang.

Pero hindi pa rin umano tumigil si Gonzales sa paggamit at pagtutulak ng droga.

Dati na rin umano itong nakulong dahil sa pagsusugal pero nakalaya rin.

Nakuha sa crime scene ang 16 na basyo ng hindi pa malamang kalibre ng baril.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng Pasay City Police sa nasabing insidente.

Read more...