Davao at Caloocan City, magpapalitan ng mga pulis

By Kabie Aenlle September 20, 2017 - 03:43 AM

Ililipat sa Caloocan City ang ilan sa mga pulis mula sa Davao City, matapos ma-relieve ang 1,200 sa mga pulis-Caloocan dahil sa sunud-sunod na mga maanomalyang operasyon na kinasangkutan ng mga ito.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesman Chief Supt. Dionardo Carlos, inihahanda na nila ang pag-swap ng mga miyembro ng Davao at Caloocan City police.

By-batch aniya ang gagawing palitan sa mga pulis, upang hindi rin maantala ang pagbibigay ng serbisyo sa publiko at pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.

Nilinaw naman ni Carlos na hindi ito nangangahulugan na ang buong pwersa ng magkabilang pulisya ang magpapalitan.

Binuksan naman ni PNP Chief Director Gen. Ronald dela Rosa ang Caloocan City police sa sinumang gustong ma-destino dito.

Matatandaang hinihinalang pawang mga pulis-Caloocan ang mga nanloob sa isang tahanan sa lungsod kamakailan na nahuli pa sa CCTV.

Ilang mga pulis-Caloocan rin ang akusado sa maanomalyang pagkakapatay sa mga kabataang sina Kian Loyd delos Santos at Carl Angelo Arnaiz.

Ipinaliwanag naman ni Carlos na kaya sinibak ni National Capital Region Police Office (NCRPO) ang 1,200 pulis ng Caloocan sa kani-kanilang mga pwesto ay para maisailalim muli ang mga ito sa pagsasanay.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.