Drug war sa Pilipinas, ipapaliwanag sa UN

Nakatakdang ipresenta ni Foreign Affairs Secretary Allan Peter Cayetano sa United Nations ang war against drugs and criminality ng bansa.

Si Cayetano ang kinatawan ni Pangulong Duterte sa 72nd Session ng United Nations General Assembly.

Ihahayag ng kalihim ang mensahe ni Pangulong Duterte sa international community sa General Assembly na magaganap sa Sabado.

Ayon kay Philippine Permanent Representative to the UN Teodoro Locsin Jr., nakatakdang ibahagi ni Cayetano ang mga isinasagawang hakbang ng administrasyong Duterte laban sa iligal na droga at kriminalidad.

Matatandaang ilang beses nang kinundena ng UN member-states ang giyera kontra droga ng pamahalaan dahil sa kabi-kabilang pagpatay.

Iprepresenta rin ang mga ginagawang pagkilos para protektahan at itaguyod ang karapatan ng mga Filipino migrant workers.

Ayon pa kay Locsin, pahapyaw ding tatalakayin ni Cayetano ang isyu sa banta ng Islamic State at ang serye ng pagpapakawala ng missiles ng North Korea.

Ito ang kauna-unahang international appearance ni Cayetano matapos maitalaga noong Hunyo.

Read more...