Ospital sa Tagbilaran, binulabog ng bomb scare

By Kabie Aenlle September 20, 2017 - 01:15 AM

Nagkagulo ang mga tao sa Borja Family Hospital sa Tagbilaran City sa Bohol, matapos silang pansamantalang ilikas palabas ng gusali dahil sa bomb threat.

Sumugod ang mga pulis sa ospital hapon ng Martes, makaraang makatanggap ang staff sa information desk na si Lilia Cantuba ng tawag mula sa isang lalaking nagsabi na isang bomba ang itinanim sa ospital na maaring sumabog anumang oras.

Agad na ipinaalam ni Cantuba sa pamunuan ng ospital ang tungkol sa natanggap niyang tawag, kaya dali-dali rin nilang inalerto ang pulisya.

Dumating ang mga tauhan ng Special Weapons and Tactics (SWAT) ng Tagbilaran sa ospital, kasabay ng Quick Response Teams at Explosive and Ordinance Team, bitbit ang kanilang mga kagamitan at bomb-sniffing dogs.

Inilabas muna ng gusali ang mga pasyente at tauhan ng ospital, habang hinalughog ng mga otoridad ang pitong palapag ng gusali.

Dahil sa bomb scare, kinailangang ihinto ng ospital ang mga operasyon dahil pinalabas ang lahat ng tao mula sa gusali.

Ayon kay Bohol Provincial Police Office chief Senior Supt. Felipe Natividad, ayaw niyang may masaktan na sinuman kaya totoo man o hindi, pinalabas na muna nila ang lahat mula sa ospital para hindi naman malagay sa alanganin ang kaligtasan ng mga tao.

Nakatitiyak naman si Natividad na walang kinalaman ang nagpapatuloy na pagpupulong ng Association of Southeast Asian Nations Marine Transport technical working group sa Panglao.

Nagsilbing aral naman aniya sa kanila ang nasabing bomb threat para magkaroon sila ng mas maayos na protocol sa tuwing may ganitong sitwasyon.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.