Bagong grupo laban sa Maute group, nagpakilala

Nanganganib na magkaroon ng bagong katapat ang Maute group na pasimuno ng kaguluhan sa Marawi
City kung magpapatuloy ang krisis sa lungsod.

Sa pamamagitan ng social media, nagpakilala ang grupong Meranaw Victims Movement (MVM) na binubuo umano ng mga bakwit mula sa Marawi City. Nag-aaklas ang mga ito para isulong ang karapatan ng mga Meranaw sa gitna ng krisis sa lungsod.

Pangunahing ipinanawagan ng grupo sa Maute group na lisanin na ang Marawi City at palayain ang lahat
ng bihag ng mga ito, mapa-Muslim man o Kristyano.

Babala ng MVM, kapag hindi ito susundin ng teroristang grupo, mapipilitan silang harapin ang mga ito.
Anila, wala nang pakialam ang Maute group sa kapakanan ng mga mamamayan, at nilabag din ng mga ito
ang kahalagahan ng Jihad sa Islam.

Ang Jihad ay nangangahulugang paghihirap para kay Allah (Diyos).

Kasabay nito, nanawagan din ang MVM sa gobyerno na itigil na ang mga airstrikes ng militar sa lungsod
para maisalba ang mga bahay at iba pang istruktura na hindi pa nasisira. Nais din ng grupo na pabalikin na
ang mga sibilyan sa mga lugar na ‘cleared’ na ng militar.

Binigyang-diin din ng grupo na hindi dapat magpakita ng interes ang gobyerno sa pag-okupa ng lupain ng mga Meranaw nang ginagamit na basehan ang military reservation. Sa halip, dapat daw na tulungan nito ang mga lehitimong may-ari ng lupa na mabigyan ng titulo.

Maliban dito, ipinahayag din ng MVM ang pagkadismaya sa local leaders dahil hindi umano pinigilan ng
mga ito ang teroristang grupo na sirain ang lungsod gayung hindi lingid sa kanilang kaalaman ang
presensya ng mga ito sa lugar.

Nagbanta rin ang MVM sa gobyerno na lalabanan ito kung hindi nito didinggin ang panawagan. Anila,
mapipilitan silang ipaglaban ang kanilang karapatan na magiging lehitimong rason umano para magsagawa
ng Jihad.

Umaasa naman ang MVM na matutugunan ang kanilang kahilingan, at tutulungan sila ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na makamit ito.

Mahigit apat na buwan na ang nakalilipas mula nang sumiklab ang gyera sa Marawi City.

Read more...