Lalaking nagdala kay “Atio” sa ospital, person of interest ayon sa MPD
Itinuturing ng Manila Police District (MPD) na person of interest ang lalaking nagdala kay Horacio “Atio” Castillo III sa ospital.
Ayon kay Manila Police District (MPD) chief Superintendent Joel Coronel, iimbitahan nila si John Paul Sarte Solano para hingan ng paglilinaw hinggil sa kaniyang testimonya na hindi tumutugma sa pahayag ng mga opisyal ng Barangay 133 sa Maynila.
Sa spot report ng pulisya, sinabi ni Solano na natagpuan niya si Castillo sa kanto ng H. Lopez at Infanta streets sa Barangay 133 alas 8:00 ng umaga noong Linggo, Sept. 17.
Sa pahayag ni Solano, patungo siya sa San Lazaro Hospital kung saan siya nagtatrabaho nang makita niya si Castillo. Pinara umano niya ang isang padaan na kulay pulang Strada at nagpatulong siya dito na dalhin si Castillo sa Chinese General Hospital.
Pero ayon kay Coronel, sa pahayag ng mga barangay official, hindi umano sa kanilang barangay natagpuan si Castillo batay na rin sa statement ng mga testigo at residente sa lugar.
Ilang ulit din umanong pinanood ang CCTV footages ng Barangay 133 at wala silang nakita na magpapatunay sa pahayag ni Solano.
Natuklasan din ng MPD na habang nagtatrabaho sa San Lazaro, si Solano ay kasalukuyan ding kumukuha ng law sa University of Santo Tomas (UST).
Maliban kay Solano, may iba pang persons of interest ang MPD sa kaso, base sa mga impormasyon na nakuha nila mula sa UST at sa pamilya ni Castillo.
Isang Axel Hipe ang binanggit ng pamilya Castillo na huling kumausap umano kay Atio base sa record na nakita sa kaniyang telepono.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.