Humirit ng dalawang pisong dagdag sa minimum na pasahe ang iba’t ibang jeepney operators at drivers sa tangggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB.
Kabilang sa mga naghain ng fare increase petition ay ang Pasang Masda, ACTO, ALTODAP, LTOP at FEJODAP.
Sama-samang nagtungo sa LTFRB ang limang transport group upang ihain ang kanilang fare hike petition.
Mula sa walong piso na minimum na pamasahe, magiging sampung piso na pamasahe kapag pinagbigyan ng LTFRB ang petisyon ng mga nabanggit na grupo.
WATCH: Petisyon para sa P10 minimum fare sa jeep, ihahain ng iba't ibang transport groups | @isaavendanoDZIQ pic.twitter.com/DilWy7ASuo
— RadyoInquirer990AM (@dzIQ990) September 19, 2017
WATCH: Naihain na ang petisyon para sa P10 minimum fare sa jeep | @isaavendanoDZIQ pic.twitter.com/EbpfGxAqzz
— RadyoInquirer990AM (@dzIQ990) September 19, 2017
Ayon sa jeepney operators at drivers, dahil sa napakabigat na daloy ng trapiko, patuloy na pagtaas ng halaga ng produktong petrolyo at spareparts ay kinakailangan na nilang magtaas ng singil sa pasahe.
Sana rin anila ay unawain ito ng mga mananakay, dahil matagal nang nagtitiis ang mga operator at tsuper sa kakarampot na perang take-home mula sa kanilang pasada.