Mga kongresista, dapat abswelto na sa traffic violation-Rep. Fariñas

By Erwin Aguilon, Jay Dones September 19, 2017 - 04:12 AM

 

Kinastigo ng mga netizens si House Majority leader Rodolfo Fariñas dahil sa hirit nitong mabigyan ng pribilehiyo ang mga mambabatas na makalusot kung sakaling masasangkot sa mga aksidente o traffic violations sa lansangan.

Sa kalagitnaan ng pagdinig ng House Committee on transportation, kahapon, biglang humirit si Fariñas sa mga opisyal ng DOTr at MMDA na dapat ay bigyan ng ‘parliamentary immunity’ ang mga mambabatas na masasangkot sa aksidente.

Ginamit pang halimbawa ni Fariñas ang ‘scenario’ na kung sakaling nakasagasa ang isang mambabatas, ay hindi na ito muna dapat pang dalhin sa presinto.

Gayundin aniya ang mga kongresista na may traffic violations.

Paliwanag pa nito, maraming mga mambabatas ang nale-late sa pagdalo sa sesyon dahil sa matinding traffic sa kalsada.

Lalo aniya silang nababalam kung bibigyan pa ng traffic ticket dahil sa isang violation.

Sa ilalim aniya ng Konstitusyon, hindi aniya maaring arestuhin ang isang mambabatas habang may sesyon ang Kamara.

Gayunman, umani ng katakut-takot na reaksyon sa publiko ang suhestyon ni Fariñas.

Ilan sa mga netizens ang idinaan sa social media ang kanilang galit sa mambabatas dahil sa mistulang ‘self-serving’ na suhestyon nito.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.