Nangako siyang tutugisin ang mga ito ngunit iginiit ang pagpapatuloy ng war on drugs dahil isa na anyang narco state ang bansa.
Aminado ang pangulo na may mga pasaway talagang pulis kaya humantong pa sa pagsibak sa pwersa ng Caloocan PNP.
Kaugnay nito, magpupulong ngayong araw, Sept. 18, ang mga opisyal ng National Capital Region Police Office (NCRPO) upang talakayin ang replacement ng 1,200 pulis-Caloocan na narelieve noong nakaraang linggo.
Nauna na ngang binuksan ni NCRPO Director Chief Superintendent Oscar Albayalde ang mga pwesto para sa mga police sa regional offices ngunit walang tumugon sa panawagan.
Ani Albayalde, tatalakayin ngayong araw ng technical working group (TWG) at directorial staff kung saan kukunin ang mga replacements.
Kampante naman anya niya na madaling makakakuha ng replacements dahil umaapaw naman ang bilang ng pulisya sa Metro Manila.
Samantala, hihigpitan naman ni NCRPO deputy for administration Chief Superintendent Rolando Nana ang background check sa mga pulis na ipapalit upang matiyak na hindi na mauulit ang mga iligal na aktibidad na nagawa ng ilang mga miyembro ng Caloocan Police.