AFP, nabawi ang isang mosque at paaralan sa Marawi City
Nabawi na ng Armed Forces of the Philippines ang isang mosque at isang paaralan sa Marawi City.
Ayon kay AFP Chief of Staff General Eduardo Año, isang malaking tagumpay ang pagkakabawi ng mga tropa ng pamahalaan sa Bato mosque at Amaitul Islamiya Marawi Foundation, kung saan dating nagkukuta ang ISIS-inspired Maute group.
Dagdag pa nito, ang pagkakabawi sa dalawang mga gusali ay lubos na magpapahina sa depensa ng mga terorista.
Sinasabing tumagal ng limang oras ang bakbakan ng pwersa ng pamahalaan at ng teroristang Maute, na nagsimula ng alas singko ng hapon ng Sabado.
Ani Año, habang patuloy ang followup at clearing operations ay inaasahan nilang mas marami pa silang mababawing mga gusali, ngunit kasabay nito ay inaasahan rin nilang hindi ito magiging madali dahil patuloy pa rin ang pakikipaglaban ng mga Maute.
Hinikayat naman ni Año ang mga natitirang miyembro ng Maute, lalo na iyong mga dating bihag na ngayon ay lumalaban na rin kasama ng mga terorista na makipag-usap sa mga militar. Aniya, may oras pa sila para sumuko nang mapayapa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.