Ito ay kasunod ng pahayag ni LTFRB Chairman Martin Delgra III sa isang Senate hearing na magkakaroon ng pagbabago sa pamasahe ng mga taxi upang magmatch ito sa fare rate ng Grab at Uber.
Sa ilalim ng kasalukuyang fare structure para sa mga taxi, P40 ang flagdown rate hanggang sa unang 500 metro, na tataas ng P3.50 sa mga susunod na 300 metro. Mayroon ding karagdagang P3.50 para sa waiting time kada dalawang minuto.
Ayon sa board member at tagapagsalita ng LTFRB na si Aileen Lizada, mananatili sa P40 ang flagdown rate. Ngunit ang pagdadagdag ng pamasahe ay papalitan nila na kada kilometro mula sa dating kada 300 metro. Magkakaroon din ng panibagong halaga para sa waiting time.
Ayon pa kay Lizada na kakailanganin munang ma-recalibrate ang mga metro ng taxi bago tuluyang maipatupad ang bagong fare structure.
Lalabas naman bago matapos ang kasalukuyang buwan ng Setyembre ang pinal na desisyon ng LTFRB tungkol sa bagong fare structure.