Aminado ang liderato ng Philippine Public Safety College na kailangan nang baguhin ang sistema sa training pa lamang ng mga bagong police recruit.
Para kay PPSC President at dating PNP Gen. Ricardo de Leon, dapat ay mas maging istrikto ang pagdisiplina sa mga gustong magpulis sa ating bansa.
Ang PPSC ang nangangasiwa sa mga unang taon ng training para sa mga police recruits at ito rin ang may direktang superbisyon sa Philippine National Police Academy (PNPA).
Ipinaliwanag ni de Leon na panahon na rin na baguhin ang ilang mga kultura sa loob mismo ng PNP.
Samantala, ngayong araw na ito nagsimula ang training n mga pulis na gustong mapabilang sa elite group na Special Action Force.
Tulad ng pagsasanay ng isang specialized unit ng militar, sinabi ni de Leon na ibayong disiplina ang itinatanim sa isipan ng mga tauhan ng PNP na gustong mapabilang sa SAF.
Nakaka-alarma ayon sa opisyal ang sunud-sunod na mga kaso kung saan ay sangkot ang ilang mga pulis sa krimen na naging dahilan ng kamatayan ng ilang mga kabataan.
Kanina ay sinabi ni National Capital Regional Police Office Director Oscar Albayalde na suportado ng mga opisyal ng PNP ang naging panukala ni PNP Chief Ronald dela Rosa na ibalik na sa kanilang hanay ang training ng mga gustong maging alagad ng batas.