Dating Sen. Jinggoy Estrada lumaya na

Inquirer photo

Sa kanyang muling pagtungtong sa gusali ng Sandiganbayan ay patuloy na naninindigan si dating Sen. Jinggoy Estrada na wala siyang kasalanan sa mga kasong plunder at graft na isinampa laban sa kanya.

Kung dati ay malungkot, kanina ay isang masayang Jinggoy ang pumasok sa tanggapan ng 5th Division ng anti-graft court kung saan lumagda siya sa ilang mga dokumento may kaugnayan pa rin sa inaprubahang piyansa para sa kanya.

Sa kanyang maiksing pahayag, sinabi ni Estrada na malungkot siya dahil maiiwan sa PNP Custodial Center ang kanyang kaibigan na si dating Sen. Bong Revilla na nahahapar rin sa kasong plunder at graft.

Nag-ugat ang nasabing mga kaso sa umano’y paggamit nila ng kanilang Priority Development Assistance Fund (PDAF) sa ilang mga pekeng non-government organization ni Janet Lim Napoles.

Pasado alas-nueve ng umaga kanina nang dumating sa gusali si Atty. Alexis Suarez dala ang P1.33 Million na pambayad sa piyansa ng kanyang kliyente na si dating Sen. Jinggoy Estrada.

Sa kabuuan ay P1 Million ang ibinayad na piyansa ni Estrada para sa kasong plunder makaraang pagbigyan ang inihain niyang motion for bail.

Umaabot naman sa kabuuang P330,000 ang kanyang piyansa para sa 11 counts ng kasong graft.

Uuwi muna sa kanilang tahanan ang dating mambabatas kasama ang misis na si Precy at ang kanilang mga anak.

Isang thanksgiving mass rin ang kanilang dadaluhan mamayang hapon sa Pinaglabanan Shrine sa San Juan City.

Read more...