Pilipinas naghayag ng suporta sa U.K makaraan ang train terror attack
Nakiisa ang pamahalaang Pilipinas sa pagkondena sa panibagong terror attack sa London na ikinasugata ng mahigit dalawampu katao.
Sa isang statement, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na kaisa ang bansa sa pagtuligsa sa nasabing pag-atake malapit sa isang train station sa Southwest London.
Ayon pa kay Cayetano, hindi tama ang ganitong mga insidente at umaasa siya na mapapanagot ang mga taong nasa likod ng karahasan.
“The Philippines expresses solidarity with the United Kingdom as it condemns the terrorist attack near the Parsons Green station in Southwest London that left several people injured.
We denounce this act of terror perpetrated against the British people,” ayon sa statement ni Cayetano.
Umapela din ang kalihim sa mga Pilipino doon na maging mapagmatyag sa mga nangyayari. Nangyari ang pagsabog sa Parsons Green Station ng Underground’s District Line.
Si Cayetano ay nasa New York ngayon para dumalo sa United Nations General Assembly.
Samantala, Tiniyak ni Philippine Ambassador to London Antonio Lagdameo na walang Pilipino ang kasama sa mga nasugatan sa pagsabog sa London.
Sa kabila nito, sinabi ni Lagdameo na patuloy silang naka-monitor sa mga pangyayari.
Dagdag pa ng opisyal na hindi naman “life threatening” ang kundisyon ng nasa 29 na nasugatan sa pagsabog.
Aabot sa 182,700 ang mga Pilipino na naninirahan sa United Kingdom at nasa 70 porsiyento sa mga ito ay naninirahan sa Greater London.
Sa ngayon, itinaas na ng Britanya sa kritikal ang kanilang national security threat level.
Sa isang televised statement, sinabi ni Prime Minister Theresa May na sa mga susunod na araw ay magpapakalat sila ng mga sundalo at pulis sa mga lansangan.
Papalitan din ng sundalo ang mga pulis na nakatalaga sa isang mga “protected areas” na hindi sarado sa publiko.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.