Mga pulis-Caloocan na sangkot sa nakawan iniimbestigahan na ng PNP-IAS
Umusad na ang imbestigasyon ng Philippine National Police – Internal Affairs Service (PNP-IAS) kaugnay sa panibagong kontrobersiya na kinakaharap ng mga tauhan ng Caloocan City Police Station.
Sinabi ni PNP-IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo na wala silang papanigan sa ginagawang imbestigasyon at ito ay kanilang gagawin kahit na hindi pa nagsusumite ng reklamo sa kanilang tanggapan ang mga biktima ng pagnanakaw ng ilang tauhan ng Caloocan City PNP.
Base sa paunang impormasyon ng PNP-IAS, aabot sa labinglimang mga pulis ang kasama sa operasyon kung saan ay pinasok nila ang isang bahay sa lungsod at pinagnakawan.
Interesado rin ang Internal Affairs Service na kilalanin ang isang pilay na police asset na nakunan ng CCTV na nanguna sa pagpasok sa nasabing bahay at may dala pang baril.
Isang menor-de-edad rin ang ipinahahanap ng PNP-IAS na kabilang sa mga nakunan ng video na kasama sa nasabing police operation.
Nauna nang sinibak sa pwesto ng pamunuan ng National Capital Regional Police Officer ang buong pwersa ng Caloocan City PNP makaraan silang masangkot sa ilang mga kontrobersiya sa mga nakalipas na araw.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.