“Thank God!”
Ito ang pahayag ni dating senador Jinggoy Estrada matapos katigan ng Sandiganbayan ang kanyang motion for bail.
Ayon sa legal counsel ni Estrada na si Atty. Alexis Suarez, patunay ito na mahina ang kaso laban sa dating senador, gaya ng paninindigan nito noon pa.
Pinasasalamatan din ni Estrada ang lahat ng nanalangin para sa kanyang kalayaan. Dahil hindi rin napasalamatan ng dating senador ang mga mamamayan sa kanyang huling araw noon sa Senado, maglilibot sa bansa si Estrada para pasalamatan ang publiko, ayon kay Suarez.
Noong Biyernes, pinayagan ng Sandiganbayan 5th Division si Estrada na maglagak ng piyansa.
Inaasahang ngayong Sabado ilalagak ang pyansa ni Estrada para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Batay sa impormasyon, nasa 1,000,000 piso ang piyansa para sa plunder case ni Estrada, habang 330,000 piso para sa labing isang counts ng graft.
Ang dating senador ay nahaharap sa patung-patong na kaso matapos umanong tumanggap ng kickbacks mula sa Priority Development Assistance Fund na inilaan sa pekeng non-government organization ni Janet Lim Napoles.