Ito ang inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, matapos sabihin ng presidente na mapupwersa siyang magdeklara ng batas militar kung dadalhin ng mga makakaliwa sa lansangan ang kanilang pag-aalsa at panggugulo.
Sa briefing sa Palasyo, sinabi ni Lorenzana na sa kanyang pananaw o tantya ay malayo sa posibilidad na mangyari ang nationwide martial law.
Ani Lorenzana, inaalala lamang umano ni Duterte na maaaring magkaroon ng pagmamalabis ang mga makakaliwang grupo, na makakaapekto sa sa bansa at sa publiko.
Nauna nang inanunsyo ng iba’t ibang grupo na mayroon silang ikinakasang protesta sa September 21 bilang pagkondena sa war on drugs, umano’y pang-aabuso at human rights violations ng mga pulis at umano’y plano ni Presidente Duterte ng pagdedeklara ng martial law sa buong bansa.
Dahil dito, inihayag ni Duterte na sususpindihin daw niya ang pasok sa mga opisina ng gobyerno at pasok sa mga eskwelahan sa susunod na linggo, dahil sa demonstrasyon ng gagawin ng mga leftist.
Tiniyak naman ni Lorenzana na handa ang gobyerno sa bantang malakihang protesta ng mga makakaliwa, bukod pa sa nakataas pa rin ang national state of emergency sa buong bansa.